Dati nagtataka ako kung bakit gustong-gusto ni tatay ng kape. Bago umalis patungong trabaho, magkakape. Pag-uwi galing trabaho magkakape. Pagod, timpla ng kape. Masaya, lasing, galit, normal na araw, kape pa rin.
Nung tinikman ko naman 'yung kape sinikmura lang ako.
Pero nagbago ang tingin ko sa kape noong nagsimula na akong magpuyat sa mga pangarap para sa aking pamilya at sarili.
Hindi pala 'yung kape ang nakaka-addict. Yung pakiramdam pala.
Hindi lang kasi siya basta likido na may matamis at mapait na lasa. Isa siyang pahinga. Bawat higop ng kape, oras mo iyon para sa iyong sarili. Bawat segundo na dumaraan habang hawak ang baso, iyon pala ang espasyo para maisip mo kung ano ang sunod na plano. Sunod na hakbang patungo sa pangarap mong maging ikaw.
Habang tumatanda ako, mas nagugustuhan ko ang kape. Ganoon marahil kapag kailangan mo ng saglit na pahinga sa nakapapagod na mundo.
Tara, kape tayo. ☕
By: Venus Religioso
No comments:
Post a Comment