SI APOSTOL Pedro yaong
nakatayo, at ang mga nasa likuran niya ay ilan sa kaniyang mga kaibigan. Pero
bakit may yumuyuko kay Pedro? Dapat ba? Sino kaya siya?
Siya’y si CORNELIO, pinuno sa hukbong Romano. Inutusan siya na anyayahan si Pedro
sa kaniyang bahay. Alamin natin kung bakit.
Ang unang mga tagasunod ni Jesus ay mga Hudiyo. Si CORNELIO ay hindi Hudiyo. Pero mahal
niya ang Diyos at gumagawa siya ng mabuti sa iba. Isang hapon, may anghel na
nagpakita sa kaniya at nagsabi: ‘Natutuwa ang Diyos sa iyo at didinggin niya
ang iyong mga panalangin. Ipasundo mo ang lalaking nagngangalang Pedro.
Nakatira siya sa Joppe sa bahay ni Simon.’
Noon din, inutusan ni CORNELIO
ang ilang lalaki para hanapin si Pedro. Kinaumagahan, si Pedro ay nasa bubungan
ng bahay ni Simon. Ipinakita sa kaniya ng Diyos ang isang pangitain ng malaking
balutan na punung-puno ng mga hayop. Ayon sa batas ng Diyos, ang mga hayop na
ito ay marurumi at di dapat kanin, pero isang boses ang nagsabi: ‘Bumangon ka,
Pedro. Pumatay ka at kumain.’
‘Hindi!’ sagot ni Pedro. ‘Kailanma’y hindi pa ako kumain ng
marumi.’ Pero sinabi uli ng boses: ‘Huwag mong tawagin na marumi ang mga bagay
na nilinis ng Diyos.’ Tatlong beses nangyari ito, kaya nagtaka si Pedro sa
kahulugan nito. Pagkatapos ay dumating ang mga lalaking inutusan ni CORNELIO at ipinagtanong si Pedro.
Sinalubong sila ni Pedro. Sinabi ng mga lalaki na isang anghel
ang nag-utos kay CORNELIO para
anyayahan si Pedro sa bahay niya. Pumayag si Pedro kaya kinaumagahan ay umalis
na sila.
Pagdating doon, sinalubong sila ni CORNELIO. Lumuhod ito at yumuko sa paanan ni Pedro. Pero sinabi ni
Pedro: ‘Tumayo ka; ako rin ay tao lang.’ Oo, ipinapakita ng Bibliya na maling
yumuko sa isang tao. Si Jehova lang ang dapat nating sambahin.
Nangaral si Pedro sa mga nagkakatipon. Samantalang nagsasalita
siya, ipinadala ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, at ang mga tao ay
nakapagsalita sa iba’t-ibang wika. Namangha ang mga alagad na kasama ni Pedro,
kasi akala nila ang Diyos ay sa mga Hudiyo lang may paglingap. Kaya nalaman
nila na ang Diyos ay hindi nagtatangi ng tao sa alinmang bansa. Hindi ba
mabuting tandaan ito?
No comments:
Post a Comment