Saturday, July 2, 2016

PAGMAMAY-ARI NA NG IBA

Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso… kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
-Marcos 12:30

May bahagi sa isang nobela tungkol sa ikalawang digmaang pandaigdig na magandang paglalarawan ng mga mangyayari sa isang tao kapag sumampalataya kay Jesus.

Sa nobelang iyon, napabilang sa hukbong pandagat ang isang lalaki na galing sa maimpluwensiyang pamilya. Nang inihatid siya ng kanyang ina sa kampo, hinalikan siya nito bilang pamamaalam. Pagpasok ng lalaki sa gusali, kinamayan niya ang guwardiya at isinara ang pinto.

Biglang nag-alala ang ina na baka hindi sapat ang pera ng anak niya. Kaya nagmadali ang ina papunta sa pinto para pumasok. Pero magalang na sinaway ito ng guwardiya. Sinabi ng ina, “Anak ko iyon.” Sabi naman ng guwardiya, “Alam ko po na anak niyo iyon. Pero pag-aari na po siya ngayon ng Estados Unidos.”

Kapag nagtiwala na tayo sa ginawang pagliligtas ni Jesus sa atin mula sa kaparusahan sa kasalanan, pag-aari na Niya tayo. Dapat nating sundin ang Kanyang mga utos. Iba na ang ating mga pinahahalagahan at iba na rin ang pagtingin natin sa mga bagay-bagay. Ang bago nating hangarin ay mahalin at paglingkuran ang Panginoon nang buong puso (Deuteronomio 6:5-6). Kabilang ka na ba sa mga pag-aari ni Jesus?

Isinulat ni: Dave Egner

“Ang pag-ibig ng Dios sa aki’y walang hanggan
‘Di kami mapaghihiwalay ng kahit sinuman;
Buhay Niya ay inialay para ako’y tubusin,
Kaya ako ngayo’y pag-aari Niya rin.”

ANG MGA UTOS NA DAPAT SUNDIN NG MGA SUMASAMPALATAYA AY SA PANGINOONG JESUS NANGGAGALING.



No comments:

Post a Comment