Saturday, April 1, 2017

MY BIRTHDAY 1ST JOURNAL 2017

PINANGGAGALINGAN NG PAG-ASA

Ang Kanyang mga habag ay hindi natatapos.
-Panaghoy 3:22

Anong kabuluhan ng pananampalataya kung lahat ay nawala sa akin? Natanong ko ang masidhing tanong na iyan sa aking buhay, at ‘di pa natatagalan ay nakatanggap ako ng sulat mula sa isang ina na ganyan din ang itinanong.

Sinimulan nilang mag-asawa na hanapin ang kalooban ng Dios at ipagkatiwala sa Kanya ang kanilang hinaharap. Nang isilang niya ang pangalawang anak, mayroon itong Down Syndrome. Hindi sila makapaniwala at sumakit ang loob nila. Ngunit sa araw ring iyon, ginamit ng Dios ang Filipos 4:6-7 para magbigay ng kapayapaan sa kanilang puso at walang hanggang pag-ibig sa kanilang anak. Sabi ng talata, “Ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios at ang kapayapaan ng Dios, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat sa inyong mga puso.”

Ngunit ang araw nila sa disyerto ay hindi pa tapos. Pagkaraan ng siyam na taon, ang ika-apat nilang anak na lalaki ay nagka-cancer. Bago pa siya magtatlong-taon, siya’y namatay. Laking kabiglaanan, sakit at lungkot ang muling nagwasak ng kanilang mundo. At muli, nakatagpo sila ng tulong mula sa Salita ng Dios, “Tuwing aapaw sa puso namin ang pighati, tatakbo kami sa Salita ng Dios at pangako Niyang walang hanggang buhay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.”

Kapag mga problema sa buhay ay para nang tsunami, alalahanin na ang kahabagan ng Panginoon ay hindi magmamaliw kailanman (Panaghoy 3:22). Siya lang ang magbibigay ng pag-asang ating kailangan.

“God said: Kilala ko ang Aking tupa, sila ay Akin
Sa gitna ng pagsubok ‘di sila iiwan
Hanggang sa wakas sila’y sasamahan
Ako pag-asa nila, kagalakan at kaibigan.”

ANG KAWALANG PAG-ASA AY NAGPAPAALALA SA ATING WALA TAYONG MAGAGAWA KUNG WALA ANG DIOS.


cabreraflorina.blogspot.com/ios.florinac@gmail.com

No comments:

Post a Comment