Saturday, March 2, 2019

KATULAD MO


Hindi mo kailangang maging buo para makaibig muli. Katulad mo, gabi-gabi akong nagsusulat. Pardon ko ang mga tala sa mga alaalang ayaw ko na sanang alalahanin. Mga gabing karamay ang mga patak ng luha. Kahit wala na ngang papel at panulat basta nasa isip lang kita, matatapos ko ang mga katagang nakatira sa loob ko. Higit pa sa tula ang pakiramdam mula noong nakilala kita. Higit pa sa mga berso ang mga ngiti. Higit pa sa pinakamaningning na bituin ang iyong pagbati. Sa isang iglap ay muling mangangatok ang napipintong kalungkutan. Hindi ko alam kung mas masakit ba ang proseso ng paglimot o ang hindi mo pag-alala sa mga bagay na nakagawian nating gawin. Hanggang sa natutunan kong tanggapin na hindi natin kayang punan ang mga naiwang puwang at espasyong nabakante ng mga bagay na hindi natin inakala na mawawala o ng mga taong inakala nating hanggang sa huli ay mananatili. Kagaya mo, ako’y pira-piraso at naghahanap ng kukumpuni rito.

-John Aldrin de Luna

cabreraflorina.blogspot.com
ios.florinac@gmail.com

No comments:

Post a Comment