Tuesday, November 1, 2016

HINDI PATAS

Hindi Niya tayo pinakitunguhan ayon sa ating mga kasalanan, ni ginantihan nang ayon sa ating mga kasamaan.
-Awit 103:10

“Hindi patas!” Nasabi mo na ba ito? Mahirap talagang tanggapin na may mga taong hindi napaparusahan sa kanilang ginawang kasalanan. Alam natin ang damdaming ito kahit noong mga bata pa tayo. Nagagalit tayo kapag may ginawa tayong mali, tapos tayo lang ang pinalo at hindi ang ating kapatid. Hanggang sa pagtanda natin ganito pa rin ang ating kaisipan. Iniisip natin na ang mga makasalanan ay dapat parusahan ng Dios at tayong mga mabubuti ay dapat namang purihin.

Ang totoo, kung paiiralin ng Dios ang pagiging ‘patas’, tayong lahat ay dapat maparusahan! Pasalamat tayo dahil “hindi Niya tayo pinakitunguhan ayon sa ating mga kasamaan” (Awit 103:10.) Dapat maging masaya ang mga nagtitiwala kay Jesus dahil pinili ng Dios na maawa sa kanila sa halip na parusahan sila. Naging mabuti Siya sa atin kahit karapat-dapat tayong parusahan. Nagpakita na ba tayo ng kabutihan sa mga nagkasala sa atin?

Hindi ang pagiging ‘patas’ kundi ang awa ng Dios ang nagtutulak sa Kanya upang tayo ay abutin. Kapag may nanumbalik sa Kanya, nagdiriwang sa kalangitan. Nagpapasalamat ako sa Dios dahil ang pagiging ‘patas’ ay hindi Niya pinairal sa akin.

Isinulat ni: Joe Stowell

“Pag-ibig Niyang walang kapantay,
Sa ‘di karapatdapat Niya iniaalay;
Maging kabutihan, kaawaa’y ibinibigay
‘Yan ang kahulugan ng biyayang tunay.”


NAHAHABAG TAYO SA IBA DAHIL ANG DIOS ANG UNANG NAHABAG SA ATIN.

No comments:

Post a Comment