Tuesday, November 1, 2016

TULUNGAN MO AKO

Maging handa nawa ang Iyong kamay na tulungan ako.
Awit 119:173

Kamakailan lamang, namingwit kami ng aking mga kaibigan sa isang ilog. Lumusong ako sa tubig at pumunta sa lugar na hindi ko akalain na malakas pala ang agos. Hindi ito kaya ng mahina kong tuhod. Isang hakbang pa at siguradong tatakayin na ako ng malakas na agos. Natakot ako dahil alam kong delikado ang aking kalagayan.

Humingi ako ng tulong sa mas bata at mas malakas kong kaibigan, “Pete, tulungan mo ako!” Agad siyang lumapit at iniabot ang kanyang kamay. Hinila niya ako patungo sa lugar na hindi maagos.

Pagkalipas ng ilang araw, binasa ko ang Awit 119. Nakasulat sa talatang 173, “Maging handa nawa ang Iyong kamay na tulungan ako.” Naalala ko ang nangyari sa akin noon sa pamimingwit maging ang mga panahong ‘lumusong’ ako sa mga delikadong sitwasyon ng aking buhay. Nangyari ito dahil sa pagtantiya ko sa aking kakayahan. Inilagay ko tuloy ang aking sarili sa panganib. Maaaring ganito rin ang iyong sitwasyon ngayon.

Sa ganitong sitwasyon, may malalapitan tayo. Isa Siyang kaibigan na mas malakas sa atin at humahawak sa atin (Awit 139:10.) Makapangyarihan ang Kanyang mga bisig at malakas ang Kanyang mga kamay (Awit 89:13.) Maaari tayong humingi ng tulong sa Kanya.

Isinulat ni: David Roper

“Huwag kang matakot, Ako’y sasaiyo,
Hindi dapat mangamba ‘pagkat ang Dios mo’y Ako,
Palalakasin kita, tutulungan at hahawakan
Ng Aking mga kamay na makapangyarihan.”


SA PANAHON NG KAHIRAPAN, HANDA ANG DIOS NA TAYO’Y TULUNGAN.

No comments:

Post a Comment