Sunday, April 10, 2016

PASASALAMAT SA ITAAS

PASASALAMAT SA ITAAS
Isinulat ni: Abelardo Mabeza Aguilar

Minsan ng tumakbo sa isipan ko na, “ totoo bang mayroong Diyos?
Diyos na nagpapagaling ng iba’t ibang uri ng sakit at karamdaman?
Nabubuhay pa ba ang sinasabi ng maraming mangangaral na,
“Ang Mesiyas na nag-aalis ng kahirapan at pagdurusa?
Iyan ang mga katanungan sa aking sarili na hindi ko masasagot
kung hindi Niya ako kinahabagan.

Panginoong Hesu-Cristo,
Minsan nais kitang pasalamatan ngunit kulang ang salita
upang sabihin ito sa’Yo ng lubusan;
Minsan nais kitang purihin ngunit kulang ang bawat sandali
upang awitan at purihin ka;
Minsan nais kong sabihin muli na mahal Kita ngunit sa sarili ko’y tanong,
“ako ba’y karapatdapat?”
Ngunit kulang man ang kataga upang maiparating ang nais kong sabihin
dahil hindi ako karapatdapat sa harapan mo ay sasabihin ko pa ring…

Salamat sa bawat pagkakataon
na muling lumapit sa’Yo at kaawaan ako;
Salamat sa bawat araw na binibigyan mo ako ng lakas
upang Ikaw ay mapaglingkuran;
Salamat sa kahabagan at pagpapala mong inihahandog sa akin
sa bawat oras na dumaan sa buhay ko;
Salamat sa walang-hanggang pagmamahal na inilaan mo sa akin
sa kabila ng napakarami kong kahinaan, pagkukulang at pagsuway;
 Salamat sa pagpapatawad sa aking kasalanan maliit man o malaki;
Salamat na inihalintulad Mo ako sa Iyong wangis;
Higit sa lahat, aking ipinagpapasalamat na ako’y Iyong tinubos
sa sumpa ng kasalanan at iniligtas sa kapahamakan ng impiyerno.
Kulang ang mga salitang lumalabas sa aking labi
upang Ikaw ay pasalamatan, purihin at sambahin.
Ikaw ang Diyos noon, ngayon, bukas at magpakailanman.
-abe.


No comments:

Post a Comment