Saturday, October 1, 2016

LAGING MAAASAHAN

Ililigtas Niyo ako sa pamamagitan ng Inyong lakas.
-Awit 138:7

Si Edwin van der Sar ang maaasahang goalkeeper ng Manchester United, isang kilalang team sa larong soccer. Bilang goalkeeper kailangan niyang harangan ang mga bolang papasok sa net nila para hindi makapuntos ang kalaban. Maliksi ang kanyang mga kamay at katawan. Maaasahan siya sa pagsalo ng bola. Sa loob ng labinlimang magkakasunod na laro ay walang bola na hindi niya nasalo kaya hindi nakapuntos ang kalaban. Pero hindi sa lahat ng panahon ay maaasahan siya sa pagsalo ng bola. Noong Marso 2009, hindi niya nasalo ang bola at nakapuntos ang kalaban.

Lalong maaasahan ang Dios. Dahil sa Dios, panatag ang kalooban  ni David. Isinulat niya sa Awit 138 na inaasahan niyang iingatan at ililigtas Siya ng Dios. Tulad ni David, makakaasa din tayo na nakahanda ang Dios na tulungan tayo para hindi bumagsak ang ating buhay espirituwal.

Ipinapahayag din sa Judas 24-25 na iingatan ni Jesus ang mga mananampalataya  para hindi sila magkasala at nang maiharap Niya sila sa Dios nang walang kapintasan. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na sila magkakasala. Ang ibig nitong sabihin, kahit bumagsak ang mga mananampalataya, hindi sila tuluyang lalayo sa Dios kaya magagawa pa rin ng Dios na itayo sila sa kanilang pagkakadapa. Hinding-hindi kailanman pababayaan ng Dios ang mga mananampalataya.

Isinulat ni: C.P. Hia

“Walang makapaghihiwalay sa amin
Ng Dios na umiibig sa akin;
Kahit kamatayan o libingan,
Dahil ako’y Kanya kailanman.”

LAGING MAAASAHAN ANG DIOS.


No comments:

Post a Comment