Saturday, October 1, 2016

POLUSYON

Lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo’y… pakinabangan ng mga nakakarinig.
-Efeso 4:29

Matindin talaga ang problemang dulot ng polusyon. Ang lahat ay naaapektuhan nito, pero kung tutuusin, sa atin din ito nanggagaling.

Iba’t iba ang mga polusyon, pero may isang uri ng polusyon na hindi nabibigyang-pansin. Ang tawag dito ng mahusay na mangangaral na si Charles Swindoll ay ‘polusyong nagmumula sa mga sinasabi.’ Kasama dito ang pagrereklamo, panghuhusga at pamimintas.

May magbabarkadang mananampalataya na nagkaisang solusyunan ang ganitong uri ng polusyon. Gumawa sila ng kasunduan na wala silang sasabihing anumang makasisira sa iba. Nagulat sila, dahil halos hindi na sila nagsasalita. Puro paninira pala ang kanilang mga sinasabi noon. Natuto na silang mag-ingat sa kanilang mga sasabihin.

Sa Efeso 4, sinabihan ni Pablo ang mga mananampalataya na magpasyang magbago. Sinabihan niya sila na ‘hubarin’ ang dating pamumuhay at pag-uugaling nakakasakit sa Banal na Espiritu. Kailangang ‘isuot’ nila ang ‘bagong pagkatao’ (talatang 23, 30, 24.) Umasa tayo sa tulong ng Banal na Espiritu (Galacia 5:16) para mabago natin ang ating ugali, mga iniisip at mga sinasabi.

Kung nais natin na huwag maging isang polusyon ang ating mga sinasabi, kailangan nating humingi ng tulong sa Dios at magbago. Ito ang magandang simula ng paglilinis ng polusyon sa ating buhay.

Isinulat ni: Joanie Yoder

“Huwag magsasalita ng anumang masasama,
Ng walang katuturan at hindi magaganda,
O Panginoon, paano ko po magagawa,
Ang perpektong paraan ng pagsasalita?”


LABANAN ANG POLUSYON – MAG-INGAT SA MGA SINASABI.

No comments:

Post a Comment