Saturday, October 1, 2016

PAGMAMAANG-MAANGAN

Ang tao ay tumitingin as panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
1 Samuel 16:7

“Wala akong alam diyan,” sagot ng isang pulitiko sa paratang sa kanya tungkol sa iskandalong kinasangkutan niya. Karaniwan sa ginagawang palusot ng mga kilala sa lipunan ang magmaang-maangan. Kunwari wala silang nalalaman sa mga nangyari para makaligtas sila sa iskandalo.

Minsan, maging tayong mga nagtitiwala kay Cristo ay nagpapalusot din. Nagmamaang-maangan tayo sa mga kasalanang ginawa natin. Minsan binibigyan pa natin  ng katwiran ang ating kasalanan o kaya naman ay isinisisi sa iba. Ngunit hindi tayo makakalusot sa Dios. Sinasabi sa 1 Samuel 16:7 “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” Alam ng Dios ang nilalaman ng ating puso’t isipan, malinis man ito o hindi. Maaari nating dayain ang iba ngunit hindi natin madadaya ang Dios dahil nalalaman Niya ang tunay na nilalaman ng ating puso.

Kaya ang pinakamabuting gawin ng mananampalataya ay ipahayag ang kanyang mga kasalanan sa Dios. Nais ng Dios na aminin natin ang totoo (Awit 51:6.) Ang tanging paraan para makawala sa mapait na bunga ng kasalanan at mapanumbalik ang pakikisama sa Dios ay magsisi at aminin ang kasalanan sa Dios.

Isinulat ni: Bill Crowder

“Maawa ka, Panginoon, ako’y Iyong kahabagan,
Ikaw ay nalungkot sa aking kasalanan,
Ngayon po’y pag-alabin ang aking kagustuhan
Na ang kasamaan ay lubos na layuan.”

MAAARING MADAYA NATIN ANG IBA PERO HINDI NATIN MADADAYA ANG DIOS.



No comments:

Post a Comment