Para kanino ang lahat ng
pagdurusang dinanas ni Jesus sa Kalbaryo? Para kanino ang pagkakakapako ng
Kanyang mga paa’t kamay doon sa Krus? Para kanino ang pagkakatusok ng Kanyang
tagiliran gamit ang isang sibat? Para kanino ang pagkakabuhos ng Kanyang dugo?
Bakit naganap ang lahat ng ito? Ginawa ang lahat ng ito para sa iyo! Ginawa ito
para sa lahat ng mga makasalanan – sa mga taong hindi naniniwala sa Dios!
Ginawa ito ng may kusang-loob – hindi sapilitan – dahil sa pag-ibig sa mga
makasalanan. Tunay nga na kung namatay si Cristo para sa mga hindi naniniwala o
sumusunod sa Dios, may karapatan akong sabihin na maaaring maligtas ang
sinuman.
Gayundin naman, maaring
maligtas ang sinuman sapagkat buhay si Cristo. Si Jesus noon ay namatay para sa
mga makasalanan ay muling nabuhay at kasama ngayon ng Dios sa Kanyang kanang
kamay. Ipinagpatuloy ngayon ni Jesus ang Kanyang gawain ng pagliligtas na
siyang dahilan kung bakit Siya bumaba dito sa lupa mula sa langit. Nabubuhay
Siya ngayon para tanggapin ang lahat ng lumalapit sa Dios sa pamamagitan Niya
at upang bigyan sila ng kapangyarihan at karapatang maging mga anak ng Dios.
Nabubuhay Siya ngayon tulad ng isang pinaka-punong Pari, upang dinggin ang
paghingi ng kapatawaran ng bawat nagsisising kaluluwa, at bigyan sila ng ganap
na kapatawaran.
Nabubuhay si Cristo upang
maging Tagapamitan sa Dios at sa tao. Siya ang di-napapagod na Tagapanalangin,
ang mabuting Pastol, ang panganay na Kapatid, ang mahusay na Tagapagtanggol,
ang hindi nagpapabayang Pari, at ang tapat na Kaibigan ng lahat ng lumalapit sa
Diyos sa pamamagitan Niya. Siya ay nabubuhay upang magsilbing karunungan,
dangal, kalinisan, at pagkakatubos natin mula sa ating mga kasalanan. Siya rin
ang nangangalaga sa atin at sa ating buhay, aalalay at tatangan sa atin
pagdating ng kamatayan, at maghahatid sa atin at sa walang hanggang
kaluwalhatian.
Para kanino ang pagkakaupo
ni Jesus sa kanang kamay ng Dios? Ito ay para sa bawat isa sa atin. Doon sa
kataas-taasan ng kalangitan, doon sa kung saan napapalibutan ng
di-maisalarawang kaluwalhatian, nananatiling nagmamalasakit ang Panginoong
Jesus at Kanyang ipinagpapatuloy ang nasimulan Niyang gawain nang Siya ay
ipinanganak sa sabsaban sa Betlehem. Hindi Siya kailanman nagbago. Isa pa rin
ang laman ng Kanyang isipan. Siya pa rin ang Dios na nagkatawang-tao na noo’y
naglakad sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea.
Katulad pa rin Siya noon
nang patawarin Niya ang Pariseong si Saul at isugo ito upang ipahayag ang
pananampalatayang minsan nang tinangkang wasakin ni Saul. Katulad pa rin Siya
noon nang tanggapin niya si Maria Magdalena, nang tawagin Niya ang maniningil
ng buwis na si Mateo, nang pababain Niya sa puno si Zaqueo, at nang gawin
silang lahat na mga halimbawa kung ano ang maaaring maidulot ng Kanyang biyaya.
Si Jesu-Cristo ay hindi magbabago kailanman. “Si Jesus” ay siya pa rin kahapon,
ngayon, bukas, at magkapakailanman” (Hebreo 13:8.) Tunay nga, may karapatan
akong sabihin na maaaring maligtas ang sinuman, dahil buhay si Jesus.
“Lumapit kayo sa Akin,”
sabi ng Panginoon, “Kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong
pasanin, at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28.) “Ang
sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan” (Juan 3:36.) “Hindi
hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak” (Juan 3:18.) “At hinding-hindi
Ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa Akin (Juan 6:37.) “Ang lahat ng
kumilala at sumampalataya sa Anak ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan”
(Juan 6:40.)
Ang kahulugan ng kaligtasan
ay ang mapalaya tayo ngayon pa lang sa buhay na ito mula sa pa pagkakaalipin sa
kasalanan, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, ang
Tagapagligtas. Ang kahulugan ng kaligtasan ay ang mapatawad, mapawalang-sala,
at mapalaya sa lahat ng kaparusahan ng kasalanan, sa pamamagitan ng
pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang ginawa sa Krus. Ang sinuman na
sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo ng buong puso ay isa nang ligtas na
kaluluwa. Hindi na siya mapapahamak. Mayroon na siyang buhay na walang hanggan.
Ang ibig sabihin ng
maligtas ay ang maialis mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa pangkasalukuyang
buhay, sa pamamagitan ng pagtanggap ng isang bagong kalikasan matapos mahugasan
at malinis sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo. Ang ibig sabihin ng maligtas
ay ang mapalaya mula sa nakamumuhing pagkakaalipin sa kasalanan, sa mundo, at
sa demonyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong kalikasan mula sa Banal na
Espiritu. Kung kaya ang sinuman na may pagbabago na ng kaisipan at ng espiritu ay
isa nang ligtas na kaluluwa. Hindi na siya mapapahamak. Makakapasok na siya sa
maluwalhating kaharian ng Dios.
Ang kahulugan ng
kaligtasan ay ang mapatawad at hindi na maparusahan pa sa Araw ng Paghuhukom.
Ito ang paggawad sa isang tao na siya’y pinawalang-sala na, wala nang bahid ng
karumihan, walang kapintasan at ganap na kay Cristo; samantala, ang iba ay
ipapahayag na may sala at hahatulan ng kaparusahan sa magpawalang hanggan. Ang
kahulugan ng kaligtasan ay ang marinig ang mga salitang, “Halikayo, mga
pinagpala ng Aking Ama!” (Mateo 25:34.) Samantala, ang maririnig ng iba ay ang
nakakatakot na mga salitang, “Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo..”
(Mateo 25:41.)
Ang taong tumanggap na ng
kaligtasan ay pag-aari na ni Cristo at siya ay ituturing isa na sa mga anak at
lingkod ng Dios, samantala, ang iba ay itatanggi ni Cristo at mahihiwalay sa
Kanya sa habang panahon. Kung ikaw ay na kay Cristo na, ligtas ka na sa
kahahantungan ng masasama – tulad ng uod na di mamamatay, doon sa apoy na di
maapula, doon sa lugar nang pagtatangis, pananaghoy, at pagngangalit ng ngipin
na walang hanggan.
Ang pagkakaroon ng
kaligtasan ay pagtanggap ng gantimpalang nakalaan para sa mga ginawang banal sa
araw ng muling pagbabalik ni Cristo – ang pagkakaroon ng niluwalhati at bagong
katawan, ang walang hanggang kaharian, ang koronang di kumukupas, at ang
kagalakang walang katapusan, ito ang “Kaligtasan” na dapat kapanabikan at dapat
abangan ng mga tunay na Kristiyano.
Ang pagsisisi, pagtalikod
sa mga kasalanan at ang pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo ang
kinakailangan lamang nating gawin upang tayo ay mapatawad sa ating mga
kasalanan. Ang paglapit kay Jesus nang may pananampalataya bilang mga
makasalanan at paghahayag ng ating mga kasalanan sa Kanya – ang pagtitiwala,
pananalig, pamamahinga, pananangan, pakikipagniig, at pagtatalaga ng lahat ng
iba pang maaari nating asahan maliban sa Kanya – ito nga ang siyang hinihingi
ng Dios na gawin natin. Kung iyong gagawin ang mga ito, ikaw ay maliligtas. Ang
lahat ng iyong mga kasalanan ay ganap na buburahin ng Dios at Kanyang lubos na patatawarin.
PANALANGIN:
Ama naming nasa langit,
alam ko po na ako ay nagkasala at nangangailangan ng Iyong kapatawaran.
Naniniwala po ako na namatay ang Iyong Anak na si Jesu-Cristo sa Krus para sa
akin. Handa po akong magsisi at talikuran na ang aking mga kasalanan. Buong
pananampalataya ko pong inaanyayahan ngayon ang Panginoong Jesus sa aking puso
at buhay upang maging sarili kong Tagapagligtas. Handa rin po ako ngayon, sa
Iyong tulong at biyaya, na sumunod kay Jesus bilang Panginoon ng aking buhay.
AMEN.
-Sowers of the Word Ministries