Sunday, June 4, 2017

PAGHAHANAP NG YAMAN

Kung kagaya ng pilak, ito’y iyong hahanapin… ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan.
-Mga Kawikaan 2:4-5

Noong unang araw ng Enero 2008, napagkasunduan ng mag-amang Keith at Adrien na sa loob ng isang taon ay maglalaan sila ng 15 minuto o higit pa bawat araw para maghanap ng kayamanan. Ibinalita sa isang diyaryo ang ginagawang ito ng mag-ama, umulan man o umaraw. Pagkalipas ng isang taon, ang kayamanang nahanap nila ay barya, bola ng golf, mga bote at lata na nagkakahalaga ng isang libong dolyar. Sa kabuuan, nasiyahan sila sa mga oras na sila’y magkasama at masayang naghahanap ng kayamanan.

Kung maglalaan tayo ng 15 minuto sa bawat araw para maghanap ng kayamanan sa Biblia, ano ang ating makikita? Isinulat ni Solomon na kung hahanapin natin ang karunungan na parang isang kayamanan, magkakaroon tayo ng takot sa Dios at kaalaman tungkol sa Kanya (Mga Kawikaan 2:4-5).

Ang karunungang mula sa Dios ay hindi makakamtan sa isang iglap lang. Unti-unti itong makakamit sa araw-araw na pagbabasa ng Biblia at pagsunod sa Dios. Isang pribileheyo at kasiyahan ang paglalaan ng oras kasama ang Dios.

Nagsisimula ito sa kusang-loob na pagpapasya, nagpapatuloy sa paghahanap at hahantong sa pagkatuklas ng kayamanan – ang karunungan at buhay.

Isinulat ni: David Mc Casland

“Tuklasin ang kayamanan sa Salita ng Dios,
Kung paano ang minero’y nagmimina ng lubos;
Maghanap at siguradong matatagpuan,
Kayamanang magpapayaraman sa iyong isipan.”

MARAMI TAYONG MATUTUKLASANG KAYAMANAN SA SALITA NG DIOS.



No comments:

Post a Comment