Sunday, June 4, 2017

PANGALAWANG PAGKAKATAON

Ang Kanyang mga habag ay hindi natatapos; sariwa ang mga iyon tuwing umaga, dakila ang Iyong katapatan.
-Panaghoy 3:22-23

Noong ika-15 ng Enero 2009, bumagsak ang US Airways Flight 1549. Nang papalipad pa lang ang eroplano, may nakasalubong itong napakaraming gansa at may ilang pumasok sa dalawang makina nito kaya nasira ito. Pagkatapos iiwas ng piloto ang eroplano sa mga bahayan, inutusan niya ang mga pasahero na yumuko sila. Akala ng mga pasahero ay mamamatay na sila. Wala pang 90 segundo, ibinagsak ng piloto ang eroplano sa ilog. Mabilis namang dumating ang mga saklolo kaya’t nailigtas lahat ang mga pasahero’t tripulante. Sinabi ng isang pasahero, “Pangalawang buhay namin ito.” Binigyan sila ng Dios ng pangalawang pagkakataon para mabuhay pa.

Sa oras ng panganib, nakikita natin ang kahalagahan ng bawat oras. Pero sa pang-araw-araw nating mga ginagawa, madalas na hindi natin naiisip na ang bawat umaga ay pangalawang pagkakataon. “Ang Kanyang mga habag ay hindi natatapos; sariwa ang mga iyon tuwing umaga” (Panaghoy 3:22-23.)

Dapat nating pasalamatan ang Dios sa Kanyang habag at biyaya, magtiwala sa Kanya at mamuhay nang may pag-asa dahil kasama natin ang Dios magpakailanman. Binibigyan Niya tayo lagi ng isa pang pagkakataon. Samantahalin natin ito.

-David Mc Casland

“Pagkalipas ng gabi, may bukang-liwayway;
Isa na namang pagkakataon ang Kanyang ibibigay,
May kasamang habag mula sa mapagpalang kamay;
Pangalawang pagkakataon, laging ibinibigay.”


NAGBIBIGAY ANG DIOS NG PANGALAWANG PAGKAKATAON.

No comments:

Post a Comment